
Sa tingin ni House Deputy Speaker at La Union Rep. Paolo Ortega V, babagsak ang trust ratings ni Vice President Sara Duterte dahil sa kabiguan nitong maipaliwanag ang mga kinakaharap na alegasyon.
Tinukoy ni Ortega ang Ulat ng Bayan survey ng Pulse Asia kung saan lumabas na ang pagkakasangkot umano ni VP Duterte sa korapsyon ang pangunahing dahilan ng mahigit kalahati o 51.5 percent na hindi nagtitiwala sa kanya.
Ipinunto ni Ortega na paano pagkakatiwalaan ng mga Pilipino si VP Duterte para maging pangulo ng bansa sa 2028 kung hindi nito kayang ipaliwanag ang mga isyu na ilang taon ng ibinabato sa kanya.
Pangunahing tinukoy ni Ortega na mga isyu ang maling paggastos sa confidential funds, pagbabanta sa buhay ng pangulo, unang ginang at dating House speaker, bribery, pagkakaroon ng kaduda-dudang yaman at iba pa.
Diin ni Ortega, mahirap burahin sa kaisipan ng mamamayan ang nabanggit na mga alegasyon kay VP Sara kahit pa magpaliwanag ito sa paglilitis ng Senate impeachment court.










