Isang lider ng Kamara, sang-ayon sa pahayag ni Senator Lacson na wala pang ebidensya laban kay dating Speaker Romualdez

Ikinalugod ni House Assistant Majority Leader at Lanao del Sur 1st District Rep. Zia Alonto Adiong ang pahayag ni Senate President Pro Tempore Panfilo Ping Lacson na walang ebidensiya na direktang nag-uugnay kay dating House Speaker Martin Romualdez sa flood control controversy.

Tinukoy ni Adiong ang sinabi ni Lacson na bagama’t nabanggit ang pangalan ni Romualdez sa mga pagdinig ay walang sapat na ebidensiya para umaksiyon ang pinamumunuan niyang Senate Blue Ribbon Committee.

Ayon kay Adiong, ang pahayag ni Lacson ay isang malinaw na paalala na ang mga imbestigasyon ay dapat nakabatay sa mga ebidensya, katotohanan at hindi sa mga espekulasyon o ingay lamang sa politika.

Giit ni Adiong, binibigyang diin sa pahayag ni Lacson ang basic standard ng due process na ang bawat alegasyon ay dapat suportado ng mga ebidensya, sinumpaang-salaysay at mga dokumento bago kaladkarin sa putikan ang reputasyon ng sinoman.

Facebook Comments