Isang lider ng Kamara, tiwalang mababasura ang petisyon laban sa 2025 national budget

Tiwala si House Deputy Majority Leader at La Union Representative Paolo Ortega na papairalin ng Kataas-taasang Hukuman ang judicial wisdom at ibabasura ang petisyong inihain laban sa 2025 national budget.

Pahayag ito ni Ortega kaugnay sa petisyon nina Representative Isidro Ungab at dating Executive Secretary Vic Rodriguez sa Supreme Court na ipawalang-bisa ang pambansang pondo dahil iligal, kriminal at labag sa Konstitusyon.

Tahasang sinabi ni Ortega na ang hakbang nina Ungab at Rodriguez ay bahagi ng isang malawakang pakana sa pulitika para siraan ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr.


Malinaw para kay Ortega ang motibo nito na hadlangan ang mahusay na pamamahala ng administrasyon at harangin ang pagpapa-unlad nito sa bansa dahil ang pag-atake sa budget ay pag-atake rin sa bawat programang para sa mga Pilipino.

Hinala rin ni Ortega na layunin ng pagbira sa 2025 national budget na maibalik ang ₱1.3 billion na tinapyas ng kongreso sa pondo ng Office of the Vice President.

Facebook Comments