
Umaasa si House Deputy Speaker at La Union Rep. Paolo Ortega V na tutuparin ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) ang panawagan ni Makati Business Club Executive Director Apa Ongpin na tiyaking patas at umaayon sa due process ang imbestigasyon ukol sa flood control projects.
Sabi ni Ortega, ang hiling ng grupo ng mga negosyante ay sumasalamin sa prinsipyo ng transparency at pananagutan na itinataguyod ng ICI.
Ayon kay Ortega, siya at si dating House Speaker at Leyte Representative Ferdinand Martin Romualdez ay kaisa sa hirit ni Ongpin na dapat ay nakabatay ang proseso ng ICI sa katotohanan, at hindi sa kulay ng politika, at mga pang-uudyok.
Suportado ni Ortega ang binanggit ni Ongpin na ang lahat, kabilang si Romualdez ay nararapat isailalim sa due process gayundin sa patas at independent na pagsisiyasat lalo’t lubos ang kooperasyon nito sa ICI.
Dagdag pa ni Ortega, nakasasalalay sa due process at walang kinikilingang imbestigasyon ang kredibilidad ng kampanya ng pamahalaan laban sa korapsyon.









