Isang lider ng minorya sa Kamara, hinamon si PBBM na ipa-livestream ang mga pagdinig ng ICI

Nananawagan si House Deputy Minority Leader at Mamamayang Liberal Partylist Rep. Leila de Lima kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na ipa-livestream ang lahat ng pagdinig ukol sa maanumalyang flood control projects ng Independent Commission for Infrastructure (ICI).

Ayon kay De Lima, kung totoong kaisa si Pangulong Marcos sa pagtataguyod ng transparency ay hindi nito dapat hayaan na itago ng ICI sa publiko ang takbo ng imbestigasyon nito ukol sa korapsyon sa flood control projects.

Ipinunto ni De Lima na kaya binuo ang ICI ay dahil sa kagustuhan ng publiko na malaman ang buong katotohanan kaya isang kalokohan kung isisikreto lang nila ang mga pagdinig nito.

Giit naman ni Las Piñas City Representative Mark Anthony Santos kapag isinapubliko ang proceedings ng ICI ay itataguyod nito ang transparency, accountability at pagiging patas lalo na sa mga usapin na sangkot ang bilyon-bilyong pisong pera ng taumbayan.

Katwiran ni Santos, sa pamamagitan ng livestreaming ay mapapanood ng taumbayan ang tunay na nangyayari, malalaman kung sino ang tama at maiiwasan ang cover-ups at political influence.

Facebook Comments