Tiniyak ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na kahit pinalawig pa ng isang linggo ang suspensyon ng pasok sa Senado ay hindi maaapektuhan ang pagpasa nila sa mahahalagang panukalang batas at iba pa nilang gawain.
Binanggit ni Sotto na ipinasa na nila nitong Lunes ang lahat ng panukalang batas na nakabinbin sa ikatlong pagbasa.
Kabilang dito ang panukala ukol sa paglalagay ng timbangan ng bayan centers at panukalang nagbibigay proteksyon sa mga delivery rider gayundin ang panukalang lilikha ng Metropolitan Davao Development Authority.
Sabi ni Sotto, tuloy naman ang virtual na pagdinig ng mga komite at pulong ng Bicameral Conference Committee.
Ayon kay Sotto, anumang panukala na maaaprubahan sa Bicam ay maari nilang ratipikahan sa pagbabalik ng session sa Lunes.
Ang pagpapalawig ng suspensyon ng pasok sa Senado ay dahil sa pagdami ng mga empleyado na tinamaan ng COVID-19.