
Isang mahalagang hakbang para sa pagkamit ng hustisya ang pag-aresto kay dating Negros Oriental 3rd District Representative Arnolfo Teves Jr.
Ito ang iginiit ni Pamplona Mayor Janice Degamo, maybahay ng pinaslang na si dating Governor Roel Degamo kasunod ng napaulat na pagdakip sa pinatalsik na kongresista.
Maituturing aniyang significant step ang pagkaka-aresto kay Teves hindi lamang para sa kanilang pamilya kundi sa buong bansa na binulabog ng nakakapangilabot na pagpaslang kay Gov. Degamo at siyam pang indibidwal.
Si Teves ang itinuturong mastermind o utak ng karumal-dumal na krimen na nangyari noong 2023.
Ayon pa sa alkalde, isa itong paalala na walang sinuman ang nakakaangat sa batas.
Sa ngayon ay hinihintay pa ng kampo ni Degamo ang pagsisimula ng mga legal na proseso para mapanagot si Teves at mga kasamahan nito.
Una nang sinabi ng Department of Justice (DOJ) na muli silang aapela sa desisyon ng Timor-Leste Court of Appeals matapos hindi pagbigyan ang extradition ni Teves.
Bago kasi baliktarin ang desisyon, dalawang beses kinatigan ng korte ang pagpapauwi kay Teves pero hindi natutuloy dahil sa pagharang ng kampo ng dating kogresista.









