Tiwala si House committee on appropriations vice chairperson at Marikina 2nd District Representative Stella Quimbo na maipapasa ngayong araw ang panukalang 5.268 trilyong pisong 2023 national budget.
Ayon kay Quimbo, hawak ng Kamara ang numero upang ipasa ang budget kahit may mga mosyong ihahain ng minorya upang i-defer ang mga debate sa pondo ng isang ahensya.
Partikular dito ang pag-defer sa pondo ng National Commission on Indigenous People (NCIP) bunsod ng kwestiyon sa paggasta ng 2022 national budget.
Sa kabila nito, pagbobotohan pa rin ang naturang mosyon kung saan tiwala ang mambabatas na uusad ito ngayong araw.
Target ng Mababang Kapulungan na ipasa ang 2023 National Expenditures Program (NEP) ngayong araw upang maaprubahan ito ng Kongreso bago mag-recess sa Oktubre.
Mababatid na sinertipikahang urgent ni Pangulong Bongbong Marcos ang General Appropriations Bill dahilan para maaaring maaprubahan ang tatlong pagbasa sa panukala sa loob lamang ng isang araw.