Napatay sa shootout ang isa pang lider ng New Peoples Army o NPA at dalawa pang iba pa sa Antipolo City kaninang madaling araw.
Bandang alas dos ng madaling araw kanina ng isilbi ng pinagsanib na pwersa ng AFP at PNP ang warrant of arrest laban kay Armando Lazarte alias Pat Romano sa kanyang safe house sa Sierra Vista Subdivision sa Barangay Cupang, Antipolo City dahil sa kasong murder at frustrated murder.
Si Lazarte ang kasalukuyang executive committee member ng Secretary of Southern Tagalog Regional Party Committee’s Sub-Regional Military Area 4-A ng CPP.
Nasa loob din ng safe house si Lazarte kasama ang dalawa pang NPA terrorist ng salakayin ng tropa ni Lt. Col. Christopher Diaz ang Commander of the 80th Infantry Battalion.
Nauna umanong magpaputok ang terrorists group na siyang pinagmulan ng palitan ng putok.
Ang napatay na si alyas Pat Romano ay kilalang notorious na NPA Commander na nanguna sa panununog sa mga equipment sa Kaliwa Dam project sa Infanta, Quezon.
Sangkot din ito sa serye ng pananambang gamit ang land mines laban sa nga tauhan ng PNP sa Baras at Antipolo City noong 2018.
Dinala pa sa Amang Rodriguez Hospital ang mga sugatang NPA pero namatay din kalaunan.
Narekober ng tropa ng pamahalaan ang isang M16 rifle, isang 9mm pistol, isang cal .45 pistol, dalawang hand grenades, laptops, cellphones at mga subersibong dokumento.
Ang napatay na si Pat Romano ay pangalawang mataas na lider ng CPP-NPA sa Southern Tagalog na na- neutralized sa loob lamang ng siyam na araw pagkatapos maaresto si Central Committee member Jaime Padilla sa Cardinal Santos Hospital in San Juan noong November 26.