Isang matanda na tinamaan ng ligaw na bala, sugatan noong pagsalubong ng bagong taon

Masusing tinitingnan na ng mga operatiba ng Eastern Police District (EPD) ang CCTV camera upang malaman kung sino ang nagpapaputok ng baril sa pagsalubong ng bagong taon na ikinasugat ng isang matandang babae matapos na tamaan ng ligaw na bala sa 140-B St. Jude Compound, Caniogan, Pasig City.

Kinilala ang biktima na si Ermila Altivo, 71-anyos, residente sa naturang lugar.

Ayon kay Police Staff Sergeant Oliver C. Baquiran II, nakausap umano nito ang mga kapitbahay ng biktima maging ang asawa nitong si Alberto Altivo, 73-anyos, kung saan sinasabi ng mga ito na wala naman silang alam na kaaway ng nasabing lola.


Paliwanag pa ni Baquiran, inanatay pa nila ang bala na nakabaon sa katawan ng biktima upang mag-match sa crime laboratory ballistic examination kung kaninong isyu ng baril ang nagpaputok sa pagsalubong ng Bagong Taon.

Humingi na rin ang pulisya ng kopya ng CCTV camera sa pinangyarihan ng insidente upang makilala kung sino ang nagpaputok ng baril na ikinasugat ng biktima.

Patuloy pa ring nagsasagawa ng malalimang imbestigasyon ang EPD para madaling matukoy kung sino ang nagpaputok ng baril sa pagsalubong ng Bagong Taon na ikinasugat ng biktima makaraang tamaan ng ligaw na bala sa Pasig City.

Facebook Comments