Isang milyong kilo ng karne na galing ng Belgium, nakapasok sa bansa!

Manila, Philippines – Sa kabila ng umiiral na import ban, nakapasok sa bansa ang nasa mahigit 1 milyong kilo ng karneng baboy na galing Belgium kung saan apektado ang nasabing bansa ng African Swine Fever (ASF).

Ayon sa Samahang Industriya ng Agrikultura o SINAG, naganap ang pagpasok ng nasabing mga karne galing Belgium sa pagitan ng Oktubre at Nobyembre 2018 kung saan natuklasan nila ito base sa dokumentong nakuha mula sa Bureau of Customs (BOC).

Nabatid na September 17, 2018 nang ipagbawal ng Department of Agriculture (DA) ang importasyon ng karneng baboy mula sa Belgium dahil sa outbreak doon ng African Swine Fever.


Dahil dito, nabahala ang SINAG sa posibilidad na maapektuhan na rin ang bansa ng nasabing sakit pero iginiit ng Department of Agriculture (DA) na walang dapat na ikatakot dahil sumunod naman sa alituntunin ang mga nag-import ng nasabing mga karne.

Bagaman dumating sa bansa ang mga karne galing Belgium sa kasagsagan ng pag-iral ng ban, nakatay at naiproseso daw ang mga karne noon pang August 25, 2018.

Maliban sa Belgium umiiral din ang import ban sa mga karneng baboy galing China, Latvia, Romania, Hungary, Russia, Poland, Ukraine, South Africa, Czeck Republic, Moldovia, Zambia at Bulgaria.

Facebook Comments