Umabot na sa isang milyong katao na nasa sektor ng formal, informal at OFWs ang nabigyan ng ayuda ng Department of Labor and Employment (DOLE) ngayong may COVID-19 sa bansa.
Sa interview ng RMN Manila kay DOLE Asec. Dominique Rubia-Tutay, ang mga ito ay nabigyan sa ilalim ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD), COVID-19 Adjustment Measures Program (CAMP) at AKAP ng DOLE.
Sinabi ni tutay na sa ilalim ng CAMP, nasa 628,000 manggagawa na ang nakatanggap ng tig-P5,000 na financial assistance habang nai-turn over na nila sa Department of Finance (DOF) at Social Security System (SSS) ang listahan ng mga hindi nabigyan.
Umabot naman na sa 86,000 Overseas Filipino Workers (OFWs) na apektado ng COVID-19 pandemic ang nabigyan ng ayuda ng DOLE sa ilalim ng AKAP program
Ayon kay Tutay, bukod sa one-time P10,000 cash assistance, may naghihintay rin na livelihood at loan assistance para sa mga OFWs sa pag-uwi nila sa kanilang pamilya.
Sa ngayon ay target ng DOLE na mabigyan ng tulong ang nasa 150,000 na land at sea-based workers.