Lubhang nababahala ang grupong Migrante na posibleng isang milyong Overseas Filipino Workers (OFWs) na nagtatrabaho sa mga restaurant, malls, at iba pa sa ipatutupad na Saudization sa Kingdom of Saudi Arabia (KSA).
Ayon kay Migrante-KSA Chairperson Marlon Gatdula, nababahala ang kanilang grupo sa milyong mga OFW na mawawalan ng trabaho matapos na ipatupad ng KSA Saudization program sa shopping malls noong nakaraang Miyerkules kaya’t nanawagan sila sa gobyerno na gumawa ng kaukulang hakbang at bigyan ng desenteng trabaho ang mga OFW na maaapektuhan ng naturang hakbang.
Paliwanag ni Gatdula, ang ibig sabihin umano ng Saudization ay ipaprayoridad ang mga national ng Saudi Arabia kaysa ibang dayuhang manggagawa na kanilang sinimulan sa mga shopping mall na lumikha ng 51,000 na trabaho sa national kung saan ang KSA government ay nagdesisyon na madaliin din ang pagpatutupad sa mga restaurant, cafe at mga pangunahing central supply market.
Giit ni Gatdula na marami sa kanilang grupo ay na-retrench mula sa kanilang trabaho at naka-stranded sa KSA, at marami ng mga utang kung saan nangangamba sila na posibleng isang milyong OFWs sa KSA ang mawawalan ng trabaho sa mga susunod na buwan.
Umaapila sila sa gobyerno na ang mga OFW na natanggal sa kanilang mga trabaho ay tiyaking makatatanggap ng karampatang sahod mula sa kanilang mga employer, magbigay ng financial assistance sa mga OFW na nawawalan ng trabaho at iba pang mga hinaing ng kanilang mga kasamahan.