
Nasakote sa isang buy bust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Laoag City ang isang miyembro ng Burog drug group, isang kilalang drug group na nagtatangkang makabalik sa operasyon sa Ilocos Norte.
Kinilala ang arestado na si alias Ryan, 29 anyos, isang high value target at residente ng Sto. Tomas, Laoag City.
Inaresto si alias Ryan sa Barangay 10, San Jose, Laoag City.
Isinagawa ang operasyon matapos ang beripikadong impormasyon hinggil sa patuloy na ilegal na aktibidad ng suspek.
Naging katuwang ng PDEA sa operasyon ang mga operatiba ng Laoag City Police Station, Police Regional Office I – Regional Intelligence Division (PRO I-RID), Ilocos Norte Police Provincial Office – Provincial Drug Enforcement Unit (INPPO-PDEU), at Regional Intelligence Unit – Provincial Intelligence Team (RIU-PIT).
Nasamsam sa operasyon ang limang piraso ng heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may tinatayang timbang na 10 gramo at may estimated value na ₱68,000.00.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Laoag City Police Station ang suspek at mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9165, na mas kilala bilang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.










