Isang Muslim na kongresista, nainsulto sa paggamit ni Mayor Magalong ng salitang ‘moro-moro’ para ilarawan ang imbestigasyon ukol sa flood control projects

Nainsulto si House Deputy Majority Leader at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong sa paggamit ni Baguio City Mayor Benjamin “Benjie” Magalong ng salitang “moro-moro” patungkol sa imbestigasyon sa mga flood control projects.

Bilang isang Muslim ay masakit para kay Adiong ang sinabi ni Magalong na ‘moro-moro’ ang imbestigasyon ng Kamara ukol sa mga iregularidad sa flood control projects.

Ayon kay Adiong, ang salitang ‘moro-moro’ ay bahagi ng kasaysayan at hindi dapat ginagamit ang pagdurusa ng Moro communities sa masiglang pakikipag-debate ukol sa korapsyon.

Diin ni Adiong, ang pagbibitaw ng mga “sweeping labels” o patutsada ay nakasisira sa reputasyon ng lahat ng miyembro ng Kongreso kabilang ang mga gumaganap sa kanilang tungkulin ng buong katapatan.

Iginiit din ni Adiong na dapat igalang ang Kamara bilang institusyon na mayroong mandato na mag-imbestiga at mangalap ng ebidensya kaugnay sa mga alegasyong katiwalian.

Facebook Comments