Sasampahan ng patong-patong na kasong kidnapping at serious illegal detention ang Abu Sayyaf member na si Albazir Abdulla alyas Abu Saif matapos maaresto sa Salam Mosque Compound sa Brgy. Culiat, Quezon City.
Ayon kay National Bureau of Investigation (NBI) Officer-in-Charge Director Eric Distor, matagal ding nagtago sa Metro Manila si Abdulla na sangkot sa madugong kidnapping sa Golden Harvest Plantation sa Brgy. Tairan, Lantawan, Basilan noong 2001.
Natukoy ang pinagkukutaan ni Abu Saif batay na rin sa mga intelligence information na nakalap ng NBI-Counter Terrorist Division sa kanilang counterpart mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP).
Si Abdullah ay pangalawa na sa nasukol na myembro ng teroristang grupo na nakihalubilo at namumuhay na sa lipunan.
Matatandaan na nitong nakalipas na Mayo 7, naaresto si Wahab Jamal alyas Ustadz Halipa sa kanyang tinitirhan sa Maharlika Village, Taguig City.
Batay sa record ng NBI at AFP, pinugutan ng ulo ang dalawa sa 14 na bihag ng teroristang ASG matapos lusubin ang Golden Harvest Plantation ng noon ay pinamumunuan ng napatay na ring lider ng grupo na si Isnilon Hapilon, 20-taon na ang nakalilipas.