
Hindi sumasang-ayon ang isang myembro ng minorya sa posisyon ng ilang mga kasamahan senador na irekonsidera ng Korte Suprema ang kanilang desisyon sa articles of impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa joint statement na inilabas nina Senators Risa Hontiveros, Kiko Pangilinan at Bam Aquino, hinihimok nila ang Supreme Court na muling ikunsidera ang desisyon para baguhin ang ruling sa impeachment case ng bise presidente.
Ayon kay Senator Juan Miguel Zubiri, bagama’t iginagalang niya ang posisyon ng mga kapwa senador, mariing pinaninidigan niya na dapat agad na sumunod ang Senado sa nasabing desisyon.
Malinaw aniya ang utos ng Korte Suprema, ang ruling ay “immediately executory” o agad na dapat ipatupad.
Nagbabala si Zubiri na ang ginagawang resolusyon ng ilang kasamahan ay maaaring makapinsala sa mga institusyong kanilang pinangangalagaan.
Dagdag pa ng mambabatas, epektibo na ang desisyon ng Korte Suprema, sumangayon man sila o hindi at hindi na maaaring ibalik ang usapin sa simula.









