Manila, Philippines – Nanawagan ang organisasyong World Wide Fund for Nature (WWF)-Philippines sa publiko na magtipid ng tubig.
Ito ay sa gitna ng mahinang daloy o kawalan ng tubig sa ilang lugar sa Metro Manila dahil sa service interruption ng Manila Water bunsod ng pagbaba ng antas ng tubig sa La Mesa Dam.
Ayon sa WWF-Philippines, para makatipid o makapag-recycle ng tubig, tiyaking walang leak o tagas ang mga gripo o tubo.
Mas mainam din anilang de-balde na lang ang ipanliligo sa halip na shower.
Puwede ring gamiting panghugas o pandilig ang tirang tubig sa mga baso na hindi na iinumin, gamiting panlinis sa banyo ang tubig na pinaglabhan at gamitin muli bilang pandilig ang tubig na ginamit bilang panghugas ng pinggan o kotse.
Sa munting paraan ng bawat Pilipino, makatutulong aniya ito upang mabawasan kahit papaano ang kakulangan ng suplay ng tubig.