Patay ang isang miyembro ng New People’s Army habang sugatan ang isa pa matapos ang naganap na engkwentro laban mga sundalo kahapon sa Lobo, Batangas.
Sa ulat ng 2nd Infantry Division ng Philippine Army, kinilala ang nasawing rebelde na si Rey Delos Santos, alyas Roy/Ren, habang sugatan naman ang isa pang kasamahan nito.
Sa ulat, nagsasagawa ng routine security operation ang mga tauhan ng 59th Infantry Battalion ng Philippine Army nang makasagupa ng mga ito ang grupo ng mga rebelde sa Barangay Balibago kahapon ng umaga.
Tumagal ng halos 20 minuto ang palitan ng putok hanggang sa umatras pabalik sa kabundukan ang mga rebelde at iniwan ang patay at sugatan nilang kasamahan.
Dalawang matataas na kalibre ng baril at mga anti-personnel mines ang nakumpiska ng mga sundalo sa lugar ng engkwentro.