Ngayong Miyerkules, February 24 ay ikaapat na taon ng naka-detain sa Philippine National Police (PNP) Custodial Center ni Senator Leila De Lima.
Kaugnay niyan ay isang konsyerto ang inihahanda ng kanyang mga taga-suporta na may temang “Leilaya: Mga Tinig at Himig ng Paglaya”.
Mapapanood ito sa pamamagitan ng live streaming, ganap na alas-7:30 ng gabi, sa official Facebook page ng senadora at sa Free Leila de Lima Movement Facebook page.
Sa nabanggit na online community jamming ay muling magsasama-sama ang mahuhusay at kilalang musikero, artista, aktibista, mga taga-religious group at ilang mambabatas.
Kabilang sa mga inaasahang performers sina Agot Isidro, Ebe Dancel, Bugoy Drilon, Gary Granada, Bituin Escalante, Bayang Barrios, Cooky Chua, Pochoy Labog of Dicta License, True Faith, Mae Paner, Pinky Amador, at iba pang US-based singers at mga banda mula sa ibang bansa.
Makikiisa rin sina Senators Franklin Drilon, Risa Hontiveros at Kiko Pangilinan gayundin sina Atty. Chel Diokno, journalist Maria Ressa, film director Joel Lamangan, Bishop Broderick Pabillo, at iba pang mga political leaders sa abroad, at mga civil-society groups.
Inaasahan ding magbibigay rito ng solidarity message si Vice President Leni Robredo.