Isang opisyal at dalawang miyembro ng communist terrorist group sa North Cotabato, arestado

Naaresto ng pinagsanib na pwersa ng militar at pulisya ang isang opisyal at dalawang miyembro ng komunistang teroristang grupo sa North Cotabato.

Kinilala ng Western Mindanao Command (WESMINCOM) ang mga naaresto na sina Cirilo Amit, alyas “Allen” at alyas “Wilson” na tumatayong finance officer ng grupo na nag-o-operate sa North Cotabato; Alex Zurita Sr., alyas “Dodo” at Roberto Limbaga Aspura.

Naaresto sila sa joint operation ng 90th Infantry Battalion ng Philippine Army sa Purok Kamon, Barangay New Alemodian, Matalam, North Cotabato kahapon, May 26.


Ayon naman kay 602nd Infantry Brigade Commander Brigadier General Roberto Capulong, ginawa nila ang operasyon matapos makakuha ng impormasyon na may presensya ng mga komunistang terorista sa lugar.

Narekober naman ng mga awtoridad sa mga naarestong terorista ang isang Norinco MP27 Caliber .45 pistol, isang homemade revolver, dalawang anti-personnel improvised explosive device (IED), anim na cellular phone at iba pang mahahalagang gamit at dokumento ng teroristang grupo.

Sa ngayon, isinasailalim na sa custodial debriefing ang mga naarestong communist terrorist sa 90IB headquarter sa North Cotabato.

Facebook Comments