Humingi ng paumanhin si Presidential Adviser for COVID-19 Response Vince Dizon sa publiko hinggil sa mabagal na resulta ng mga isinasagawang COVID-19 test sa bansa.
Ayon kay Dizon, umaabot ng 48 oras hanggang tatlong araw ang paglabas ng mga test result dahil sa pagdami ng mga nagpapa-test at nagpopositibo sa virus.
Aniya, kailangan pa itong i-facilitate ng mga technician dahil hindi automated ang RT-PCR screening at marami ring mga med tech at laboratory technician ang naka-isolate dahil nagpositibo rin sa COVID-19.
Dahil dito, pinaiksi ng COVID-19 task foce sa limang araw ang quarantine period ng mga asymptomatic at fully vaccinated na health workers habang ang mga closed contact nito na kapwa medical worker ay hindi kinakailangang mag-isolate kung walang sintomas ng virus.
Kasunod nito ay sinisikap ng gobyerno na kumuha ng mas marami pang health personnel habang ang mga sample naman mula sa Metro Manila ay ipapadala sa mga laboratoryo na may mababang testing demand.