Isang pampasaherong bangka sa Bohol, nasunog

Iniulat ng Philippine Coast Guard (PCG) na isang pampasaherong bangka ang nasunog sa karagatan sakop ng Bohol.

Partikular sa Brgy. Tugas, Tugas Island at Brgy. Tilmobo, Tilmobo Island.

Nangyari ang insidente bandang ala-1:00 ng hapon kung saan nasunog ang MBCA Mama Mary Chloe na patungo sana ng Bato, Leyte mula Ubay, Bohol.


Bukod sa walong crew, sakay ng bangka ang nasa 157 na pasahero na kinabibilangan ng 142 adult at 15 bata.

Karamihan sa mga pasahero ay kaniya-kaniyang lundagan sa bangka upang maging ligtas kung saan ang iba sa kanila ay nasagip ng PCG Sub-station Bato.

Kaugnay niyan, 99 sa mga nakaligtas ay kasalukuyang nasa Port of Hilongos, 27 sa Tugas, Carlos P. Garcia at 34 sa Gaus Island.

Isang 53-anyos na lalaki naman ang naiulat na nasawi sa insidente.

Nabatid na ang kapasidad ng MBCA Mama Mary Chloe ay nasa 236 pasahero kaya’t inaalam na ang dahilan ng insidente.

Sa kasalukuyan, nagtutulong-tulong ang BRP Cabra at PCG Sub-Station Bato para sa search and rescue operation para sa isang indibidwal na nawawala.

Facebook Comments