Walang pari, obispo o kardinal ang maaaring mangingibabaw sa batas.
Ito ang mariing pahayag ni dating Commission on Elections (COMELEC) Chairperson Harriet Demetriou makaraang sampahan nito ng kasong perjury sa Makati City Prosecutor’s Office ang kontrobersiyal na exorcist priest na si Fr. Winston Cabading.
Base sa 15-pahinang reklamo, binigyang diin ni Demetriou na nagsinungaling si Cabading sa kanyang sinumpaang petition for review sa Department of Justice (DOJ) na may petsang May 27,2023 at inihain noong May 29,2023 hinggil sa umiiral na 1951 Papal Decree na nagdeklara sa 1948 Lipa Marian Apparitions bilang “supernatural character.”
Ayon kay Demetriou, binanggit din ni Cabading sa kanyang petisyon ang “CDF Decree of 2015” kung saan mismong si Pope Francis ang sinasabing naglabas dito., na isang malaking pagsisinungaling.
Matatandaang dinakip ng mga awtoridad si Cabading noong May 13 matapos magpalabas ng warrant of arrest ang Quezon City Regional Trial Court (RTC) laban sa kanya, na nag-ugat sa hiwalay na kasong inihain ni dati ring Sandiganbayan Justice Demetriou dahil sa umano’y paglabag sa Article 133 (offending religious feelings) ng Revised Penal Code (RPC).
Iginiit ni dating Justice Demetriou kilalang deboto ng Our Lady of Mary Mediatrix of All Grace, kinutya at hinamak ni Fr. Cabading, hindi lamang ang Banal na Birhen, kundi maging ang mga deboto nito.
Nakalabas lamang sa piitan si Fr. Cabading makaraang maglagak ito ng P18,000.00 na piyansa para sa kanyang pansamantalang kalayaan.