Isang Pari, Patay Matapos Pagbabarilin sa Gattaran, Cagayan!

Gattaran, Cagayan- Dead on the spot ang isang pari matapos itong pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek dakong alas otso kinse kanina April 29, 2018 sa Brgy. Peña Weste, Gattaran Cagayan.

Kinilala ang biktima na si Fr. Mark Anthony Ventura, naka distino sa San Isidro Labrador, Mabuno Gattaran Cagayan at residente naman ng Brgy. Naruangan Tuao Cagayan.

Sa naging panayam ng RMN Cauayan News Team kay Police Senior Superintendent Warren Tolito Provincial Director ng Cagayan Police Provincial Office, naganap umano ang pamamaril matapos magsagawa ng misa si Fr. Ventura sa Gymnasium sa naturang barangay.


Aniya, kinakausap umano ng pari ang mga miyembro ng Choir maging ang mga magulang ng mga mabibinyagan ng biglang may lumapit na lalaki at pinagbabaril ang pari sa kanyang ulo.

Samantala, agad namang tumakbo ang suspek matapos ang naganap na pamamaril at agad sumakay sa nakaabang na motorsiklong minamaneho naman ng kanyang kasama patungo sa silangang direksyon papunta ng Baggao, Cagayan.

Agad namang ipinag-utos ni RD Jose Mario Espino na maglagay ng mga Check points sa lahat ng mga lugar na maaaring daanan ng mga suspek upang sila ay madakip.

Sa ngayon ay patuloy parin ang ginagawang pagtukoy ng kapulisan sa motibo ng pamamaril sa pari.

Facebook Comments