Patuloy ang ginagawang pagmamanman ng mga tauhan ng Food and Drug Administration (FDA) sa isang pasilidad sa Makati City na di umano’y nagbebenta ng gamot o bakuna laban sa COVID-19.
Ayon kay FDA Director General Eric Domingo, nagpunta na ang kanilang team sa hindi na pinangalanang pasilidad sa Makati na mayroon pang Chinese adverstisement na nag-aalok ng umano’y gamot kontra COVID-19.
Pinabulaanan aniya ng management o administrator ng gusali na nagbebenta sila ng bakuna at naglabas ng disclaimer.
Kasunod nito, patuloy aniya silang magmomonitor hindi lamang sa Makati maging sa iba pang lugar sa bansa laban sa pagbebenta o paggamit at pag-administer ng mga hindi rehistradong bakuna laban sa COVID-19.
Sa ngayon, wala pang anti-COVID-19 vaccines pero may ilang vaccine companies na ang nasa advance stages at naghihintay na lamang ng approval ng kanilang FDA.