Isang PhilHealth resource person, ipina-cite in contempt sa Kamara

Ipina-cite for contempt ng dalawang House panel ang isang resource person kasabay ng pagdinig ng mababang kapulungan sa mga anomalya sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

Si Dr. Mark Dennis Menguita, isang neurologist ay mananatili sa kustodiya ng Kamara matapos niyang tawaging sinungaling si Ang Magsasaka Partylist Representative Argel Cabatbat.

Sa joint inquiry ng House Committee on Public Accounts at Committee on Good Government, ayon kay House Minority Leader at Manila Representative Bienvenido Abante, isinasangkot ni Cabatbat ang doktor sa malawakang insurance fraud.


Iginiit ni Abante na walang karapatan si Menguita na tawaging sinungaling ang isang House member.

Itinanggi ni Menguita ang mga alegasyon ni Cabatbat at walang ebidensyang nagpatutunay rito.

Aniya, biktima siya ng harassment mula kay Cabatbat at sa mga kaibigan nito.

Sinabi naman ni Cabatbat na nagpasa si Menguita ng maling datos hinggil sa paglaganap ng kaso ng stroke sa Koronadal City sa loob ng limang taon.

Karamihan ay bogus claims na sinusuportahan ng palsipikadong medical findings mula kay Menguita.

Itinuro din ni Cabatbat si Menguita na nag-hire umano ng assassin para siya ay patayin noong nakaraang taon pero siya ay nakaligtas.

Hiniling naman ni Cabatbat na huwag nang parusahan si Menguita ngunit inirekomenda niyang pagsabihan ito dahil sa pagpapakita ng kawalan ng paggalang sa House members.

Bago ito, nadetine rin sa Kamara si PhilHealth lawyer Rogelio Pocallan sa loob ng tatlong araw matapos ding ma-cite in contempt dahil sa kaniyang paninindigan na tama ang kaniyang legal opinion na maaaring amiyendahan ng PhilHealth ang penalty na three-month suspension sa accreditation na ipinataw sa Our Lady of Perpetual Succor Medical Center kahit pinagtibay ng Court of Appeals ang legalidad ng suspensyon.

Facebook Comments