Naaresto na ng pinagsanib na puwersa ng Quezon City Police District (QCPD), National Capital Region Police Office (NCRPO) at Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group (PNP CIDG) ang isang pinaghihinalaang miyembro ng Abu Sayyaf na nagtatago sa Quezon City.
Sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Quezon City Regional Trial Court (QC RTC) Branch 89 Executive Judge Hon Cecilyn Burgos-Villavert, naaresto si Adzman Tanjal, tubong Sabah, Malaysia at kasalukuyang nakatira sa Libya street, Salaam Compound, Barangay Culiat, ng nasabing lungsod.
Si Tanjal ay may kinakaharap na kasong paglabag sa RA 10591 o Illegal possession of firearm and ammunition.
Sa paghahalughog ng pulisya, nakuha sa kanyang tinutuluyang bahay ang isang MK 2 Fragmentation Hand Grenade at isang Colt Mark IV Caliber 45 pistol, isang magazine na loaded ng anim na bala.
Habang isinasagawa ang search operation, aksidente namang nabaril ni Police Staff Sergeant (PSSg) Jofrancis Burawes, ang kanyang sarili na tumama sa kaliwang paa.
Si Burawes ay miyembro ng QCPD station 3 at kasalukuyang nagpapagaling na sa pagamutan.