Isang Pinay ginahasa sa Saudi Arabia

Tiniyak ng Department of Foreign Affairs (DFA) na aayudahan ang Filipina household service worker sa Saudi Arabia na ‘di umano ay ginahasa ng representative ng isang recruitment agency.

Ayon kay Philippine Consulate General in Jeddah Edgar Badajos, inaasistehan na ng konsulada ang ating kababayan sa paghahain ng reklamo, pagkuha ng medico legal endorsement at pagkalap ng mga ebidensya.

Sinabi pa ni Badajos na hawak na ngayon ng mga otoridad ang suspek na isang Saudi national.


Sa salaysay ng biktima, 5 beses umano siyang ginahasa ng suspek makaraan siyang kuhanin mula sa female shelter ng konsulada matapos tiyakin sa kanya ng Philippine Overseas Labor Office na ililipat siya sa bago nitong employer.

Pero imbes na dalhin sa kanyang employer, dinala umano sya ng suspek sa hotel at doon na ginahasa.

Nagawa namang tumawag ng OFW sa POLO na naging dahilan upang maaresto ang suspek.

Facebook Comments