Isang Pinoy sa Canada na positibo sa COVID-19, nagpatiwakal

Umaabot na sa lima ang bilang ng mga Pilipino sa Canada ang namatay dahil sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).

Ayon kay Philippine Ambassador to Ottawa, Canada Petronila Garcia, ang isa rito ay nagpatiwakal pa at matapos isailalim sa pagsusuri ang kanyang mga labi ay natuklasang positibo pala ito sa COVID-19.

Sa datos, nasa 225 na mga kababayan natin sa Calgary ang positibo sa COVID-19 kung saan 89 dito ang nakarekober na, habang sa Toronto ay 22 ang nag-positibo, anim ang nakarecover at isa ang namatay.


Paliwanag pa ni Ambassador Garcia, hirap silang matukoy sa ibang federal state kung may nag-positibong Pilipino sa COVID-19 dahil hindi aniya inilalagay ng kanilang gobyerno ang citizenship ng pasyente dahil na rin sa mahigpit na privacy law sa Canada.

Pero tiniyak nito na ibinibigay ng libre ng Canadian Government ang medical treatment para sa COVID-19 positive patients mapa-Canadian man ito o ibang lahi.

Sa pinakahuling datos ng Department of Foreign Affairs (DFA), nasa 930,000 ang mga Pinoy sa Canada kung saan 800,000 dito ay pawang Canadian citizen na.

Facebook Comments