Isang propesor, nagbabala sa Senado na posibleng matulad ang Pilipinas sa hacking ng power grid na nangyari sa Ukraine

Nagbabala ang isang propesor sa Senado na posibleng mangyari sa Pilipinas ang nangyari sa Ukraine na na-hack ang sistema matapos na atakihin ang power grid nito noong 2015 at 2016.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Energy, tinukoy ni Energy Committee Chairman Senator Raffy Tulfo na matapos inspeksyunin ni dating National Security Adviser Hermogenes Esperon ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ay binanggit nito sa report na may ‘vulnerability’ sa sistema.

Ayon kay UP College of Engineering Associate Dean Prof. Rowaldo del Mundo, ang naturang ‘vulnerability’ ay nangangahulugan na may posibilidad na ma-hack ang sistema at operasyon ng NGCP mula sa mga taga-labas.


Idinetalye ni Del Mundo na nagawang pasukin ng mga hacker ang Supervisory Control and Data Acquisition (SCADA) ng Ukraine kung saan ang control engineer na nasa loob nito ay nawalan ng kontrol at pinapanood na lang na nag-switch-off ng kusa ang kanilang power grid.

Hindi rin aniya malabong ang mga manufacturers ng kagamitan ng NGCP ay maglagay dito ng virus lalo pa’t naunang nasita na rin sa mga pagdinig na galing at gawa sa China ang mga equipment sa bansa.

Facebook Comments