Isang pulis, ni-relieve sa pwesto matapos bugbugin ang isang walong taong gulang na batang lalaki

Isang pulis ang ni-relieve sa pwesto matapos bugbugin ang isang walong taong gulang na batang lalaki sa Pasig City.

 

Sa naging pahayag ni National Capital Region Police Office (NCRPO) director Maj. Gen. Guillermo Eleazar, nahaharap sa kasong physical injuries na may kaugnayan sa Republic Act 7610 si Staff Sergeant Nicolas Lapie Jr. ng Marikina City PNP dahil sa pananakit nito sa bata sa hindi pa mabatid na dahilan.

 

Dagdag pa ni Eleazar, nahaharap din sa kasong administratibo si Lapie kung saan sasailalim din muna siya sa refresh training habang dinidinig ang kaso.


 

Sa imbestigasyon ng Eastern Police, nanonood lamang ng basketball ang bata nang lapitan at walang awang bugbugin ng pulis.

 

Agad naman sumaklolo ang ilang mga tao sa lugar kaya’t naawat ang insidente at nang dumating ang iba pang pulis ay inaresto na din na si Lapie Jr.

 

Sinabi pa ni Eleazar na hindi nila hinahayaan ang ganitong klase ng pulis lalo na’t pangalawang kaso na ito na kinasasangkutan ng mga tauhan ng Eastern Police District.

Facebook Comments