Nagdadalamhati ngayon ang Philippine National Police (PNP) matapos masawi ang isa nilang myembro na nakibahagi sa kanilang humanitarian activity sa Samar Province nuong Sabado.
Kinilala at binigyang papuri ni PNP OIC Lt. Gen. Vicente Danao Jr., ang nasawing pulis na si Patrolman Mark Monge na kasama sa mga nakabakbakan ng 10 miyembro ng Communist Terrorist Group (CTG) sa bahagi ng San Nicolas, San Jose de Buan at Brgy. Mabuhay, Gandara, Samar.
Ayon kay Gen Danao, nakikiramay ang buong pwersa ng Pambansang Pulisya sa naulilang pamilya ni Patrolman Monge.
Aniya, kinikilala ng PNP ang dedikasyon at katapangan ni Monge na nagawang tupadin ang kanilang mandato na “to serve and to protect.”
Siniguro din ni Gen. Danao na mabibigyan ng tulong ang naulila nitong pamilya at nangakong igagawad ang hustisya.
Nabatid na isinugod pa sa ospital si Patrolman Monge pero idineklara rin itong dead on arrival.