Iginiit ngayon ng isang pribadong kompanya na legal ang gagawin nilang pagpapaalis sa ilang mga residente sa Juan Luna Street na sakop ng Brgy. 59, Zone 5 sa Tondo, Maynila.
Ayon kay Philip Cuya ng Meridian Cargo Forwarders Inc., nabili na nila ang lupa at sa katunayan, tumagal ng limang taon ang prosesong legal para makuha na nila ito ng tuluyan.
Aniya, nanalo na sa lahat ng kwestiyong legal ang Meridian Company hanggang sa Malacañang, Manila City Hall at maging sa tanggapan ng Presidential Commission on Urban Poor.
May alok naman na hindi bababa sa P30,000 ang kompanya sa 145 pamilya na maapektuhan pero kanila itong tinanggihan.
Nakabantay naman ang mga tauhan ng Manila Police District (MPD) at ibang force multipliers para masigurong walang anumang magiging kaguluhan sa pagpapatupad ng demolition order.
Nakikiusap naman ang mga residenteng maaapektuhan na ipagpaliban muna ito lalo na’t may ibinabang sulat ang lokal na pamahalaan ng Maynila na nagsasaad na itigil muna ang nakatakdang demolisyon hangga’t wala pang pinal na desisyon sa Korte Suprema.