Maghahain ng isang resolusyon sa Lunes ang mga lider ng House of Representatives na naglalahad ng kanilang hindi matatawarang pagkakaisa at suporta sa liderato ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez.
Ang naturang hakbang ay bilang pagtatanggol kay Romualdez at sa Kamara laban sa mga walang basehang akusasyon ng mga senador kaugnay sa isyu ng People’s Initiative para sa isinusulong na pag-amyenda sa konstitusyon.
Ayon kay House Majority Leader at Zamboang City 2nd district Manuel Jose Dalipe, nagdaos sila ng all-member caucus kung saan tinalakay ang mga nangyayari ngayon lalo na ang mga pahayag ng mga senador.
Sabi naman ni Senior Deputy Speaker and Pampanga Rep. Aurelio “Dong” Gonzales Jr., ang resolusyon ay pagtindig sa integridad at dangal ng Kamara laban sa paglabag ng Senado sa prinsipyo ng inter-parliamentary courtesy at pakiki-alam sa kanilang legislative and constituent functions.
Paliwanag naman ni Rizal 1st distict Rep. Michael John Duavit, nananatili ang respeto nila sa Senado pero ang matatapang na pahayag ng mga senador ay dapat seryosohin at matapang na tugunin ng Kamara.