Napawi ang pangamba ng mga estudyante, guro at mga magulang makaraang mahuli ang halos dalawang dipang haba ng sawa na nakita sa garden ng Signal Village Elementary School sa Taguig City.
Ayon sa Police Community Precinct (PCP) 6 ng Taguig Philippine National Police (PNP) mayroong nag-aalaga ng sawa sa ilang mga residente at posible umanong nakawala ang naturang sawa noong kasagsagan ng Bagyong Paeng.
Napansin umano ng mga staff ng naturang paaralan ang sawa kung kaya’t agad silang tumawag ng barangay tanod upang hulihin ang naturang sawa, at sa kabutihang palad walang napaulat na nasaktan.
Nagpapasalamat naman ang mga magulang, guro at estudyante dahil nahuli na ang sawa at hindi ito nakapaminsala lalo na sa mga batang naglalaro sa garden.
Nasa pangangalaga na ngayon ng barangay ang nasabing sawa at pinoproseso upang ilipat sa pangangalaga ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).