Dismayado si Senator Imee Marcos sa plano ng gobyerno na pag-aangkat ng imported na sibuyas na isasabay sa anihan ng mga magsasaka.
Iginiit ni Marcos na nakatakdang mag-ani ng sibuyas ang walong lalawigan sa bansa sa ikalawang linggo ng Disyembre at kung isasabay ang importasyon sa harvest season ay tiyak na maaapektuhan ang mga local onion farmers.
Kinuwestyon ni Marcos kung nakalimutan na ba ng pamahalaan ang ating mga magsasaka dahil sa kabila ng pagtugon sa mataas na presyo ng bentahan ng sibuyas para sa mga consumers mistulang wala namang plano para sa mga magsasaka.
Sinita ng senadora ang farmgate prices ng sibuyas sa kalagitnaan ng Nobyembre na nasa P25 hanggang P27 lang kada kilo na mababa kumpara sa P45 hanggang P55 kada kilo na inaapela ng mga magsasaka para sana makabawi sa panahon ng anihan.
Puna pa ni Marcos, ang importasyon ay naging bahagi na ng paulit-ulit na manipulasyon ng presyuhan ng mga negosyanteng kasabwat ng mga tiwaling opisyal sa Department of Agriculture (DA) at Bureau of Customs (BOC).
Tinukoy pa ni Marcos na hino-hoard ang mga local crops para magkaroon ng artificial shortage at saka ibebenta sa mga consumers kapag tumaas na ang presyo habang ang mga smugglers naman ay kumikita sa mga mis-declared at undervalued na imported na produkto.