Isang senador, hindi kuntento sa trabahong nalikha sa ilalim ng NERS

Hindi sapat para kay Committee on Labor Chairman Senator Joel Villanueva ang 780,119 na trabaho na nalikha sa ilalim ng National Employment Recovery Strategy (NERS) ng gobyerno.

Sinabi ito ni Villanueva makaraang ipakita ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa kanilang datos na bahagya lamang natugunan ng NERS ang malawakang kawalan ng trabaho dulot ng COVID-19 pandemic.

Binanggit ni Villanueva na umabot sa 8.1 percent o tinatayang 3.88 milyon ang unemployed noong Agosto habang 14.7 percent o tinatayang 6.48 milyon naman ang underemployed.


Mula sa NERS Action Agenda na inilahad ng DOLE, ipinunto ni Villanueva na tatlo sa pitong programa nito ang lumikha lamang ng short-term employment.

Kabilang sa tinukoy ni Villanueva ang Government Internship Program (GIP), Special Program for Employment of Students (SPES), at ang Tulong Panghanapbuhay para sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD).

Kaya naman giit ni Villanueva, hindi lang pagsalba ng trabaho, at panandaliang trabaho ang dapat likhain ng pamahalaan kundi matatag at pangmatagalang trabaho.

Facebook Comments