Tumitirik, umuusok o tumutulo, at nauubos ang oras ng mga pasahero sa mahabang pila, siksikan ang mga bagon at nakakawala pa ng dignidad kapag nasiraan at sila ay naglakad sa riles.
Ganyan inilarawan ni Senator Grace Poe ang sitwasyon sa Metro Rail Transit o MRT line 3 at ang sakripisyo ng mga pasahero nito.
Kaya tanong ni Senator Poe sa Dept Of Transportation o DOTR, ganyang klase ba ng serbisyo ang dapat ibigay sa publiko na kung may mapagpipilian lang ay siguradong hindi na sasakay sa MRT-3.
Nagtataka si Senator Poe kung bakit umabot ang tatlong taon ng duterte administration ay hindi pa rin naisasaayos ang mga problema sa MRT-3.
Ipinunto ni Poe na 22-billion pesos ang pondo nakalaan para sa rehabilitasyon ng MRT 3.
Giit ni Poe, makatarungan lang na gawin ng gobyerno ang mga nararapat na hakbang para maipagkaloob sa mamamayan ang ligtas, komportable at maayos na transportasyon.