Humiling ng timetable si Senate President Pro Tempore Ralph Recto upang malinawan ang marami pa ring tanong kay Pangulong Rodrigo Duterte na hindi nasagot sa huling mensahe nito sa publiko kamakalawa ng gabi.
Giit ni Recto, dapat may timetable sa bawat hakbang ng pamahalaan at inaasahang mangyayari kaugnay sa krisis na dulot ng COVID-19.
Pangunahin sa mga tanong ni Recto kung kelan maibibigay ng gobyerno sa mga health workers ang mga kagamitan at supplies na labis nilang kailangan.
Nais ding malaman ni Recto kung kailan isasagawa ang maramihang COVID-19 testing at kelan magkakaroon ng mas maraming COVID-19 care facilities.
Tanong pa ni Recto, kailann matatanggap ng mga mahihirap na pamilya ang tulong pinansyal mula sa gobyerno.
Dagdag pa ni Recto, meron bang projections kung gaano karami ang posibleng tamaan ng coronavirus sa bawat rehiyon, lalawigan o siyudad at ilan ang kakailanganing mga hospital beds, intensive care units, ventilators, mga doktor at nurse at mga protective gear.
Para kay Recto, dapat tinatantya ng pamahalaan kung kailan mangyayari ang peak o pinakamatinding pagkalat ng virus, ilan ang maaring mamatay dito at ilan ang makaka-recover.