Inirekomenda ni Senator Alan Peter Cayetano sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na magpagawa ng business park sa isang bahagi ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Sa gitna ng pagtalakay sa 2023 budget ay hinimok ni Cayetano ang DPWH na magpagawa ng maraming parke dahil palagi na lamang malls ang pinupuntahan ng publiko.
Mungkahi ni Cayetano na ipangalan ang isang bahagi ng park kay dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. at kay dating Senador Benigno Aquino Jr.
Kung isusunod sa pangalan nila Marcos Sr. at Aquino Jr. ang parke ay doon na lamang magkokompetisyon ang mga negosyante na makakatulong pa sa ekonomiya ng bansa at dito rin makikita kung saan mas pupunta ang mga tao sa halip na magpanawagan ng boycott.
Bukod dito, pareho ring bahagi ng kasaysayan sina Marcos at Aquino kaya mas mabuting ipangalan ang park sa kanila.
Bagama’t hindi kasama sa infrastructure projects ng DPWH ang pagpapagawa ng mga parke, handa naman si Secretary Manuel Bonoan na ikonsidera ang suhestyon ng senador.