Isang senador, kontra sa pag-obliga sa mga estudyante na magkaroon ng health insurance bago payagan sa face-to-face classes

Kinontra ni Committee on Health Chairman Senator Christopher “Bong” Go ang pag-obliga sa mga estudyante na magkaroon muna ng health insurance bago makadalo sa face-to-face classes.

Apela ni Go, huwag nang pahirapan ang mga kababayan natin na makabalik sa pag-aaral.

Ipinaliwanag ni Go na nahirapan na nga ang mamamayan sa ating transition sa distance learning at ngayon ay muling papahirapan sa pagbalik sa face-to-face learning.


Sa direktiba ng Inter-Agency Task Force (IATF), pinapayagan ang mga unibersidad at kolehiyo sa mga lugar na nasa ilalim ng Alert Level 1 na magsagawa ng face-to-face classes pero tanging ang mga estudyante na fully vaccinated at may health insurance coverage ang papayagan na makapasok sa eskwelahan.

Pero sabi ni Go, ang health insurance ay hindi naman dapat private kaya pwede rin ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

Bukod dito ay muling hinikayat ni Go ang lahat na magpabakuna laban sa COVID-19 dahil ang bakuna aniya ay maituturing na health insurance sa ngayon.

Facebook Comments