Isang senador, kumpyansang susundin ng Senado ang Supreme Court ruling sa impeachment case laban kay VP Sara

Malaki ang pag-asa ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa na susundin ng Senado ang naging ruling ng Korte Suprema na unconstitutional ang impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.

Sa bilang ng mambabatas, nasa 20 mga senador na ang desididong tumalima sa Supreme Court ruling at iilan lang naman ang nagpupumilit na magdaos pa ng impeachment trial.

Sinabi ni Dela Rosa na katunayan ay noong nakaraang linggo pa ay may mga senador na gustong ipa-dismiss o ipabasura ang impeachment case na nakasampa sa Senado.

Nagpakiusapan lamang aniya na bigyang pagkakataon ang lahat na pag-aralan ang naturang ruling kaya sa August 6 o sa darating na Miyerkules itinakda ang pagtalakay at posibleng botohan dito ng mga senador.

Kung si Senator Erwin Tulfo ang tatanungin mainam na ituloy ang paglilitis dahil dito makikita kung may matibay na ebidensya at kung talagang wala ay siya mismo ang tatayo para ipa-dismiss ang impeachment.

Sakaling maging pangulo si Vice President Duterte ay kawawa ito dahil parang multo na susundan ng susundan ang bise ng mga katanungan ng mga kritiko nito.

Facebook Comments