Hiniling ni Senador Win Gatchalian sa Department of Education (DepEd) sa ilalim ng bagong administrasyon na paigtingin ang kakayahan ng mga mag-aaral, itaguyod ang kapakanan ng mga guro at ayusin ang sistemang K to 12.
Pinaalala ni Gatchalian na bago tumama ang pandemya ay nagbabala na ang mga eksperto na masyadong masikip o congested ang K to 12 curriculum kaya nahihirapan ang mga mag-aaral na matuto ng basic skills.
Dagdag pa ni Gatchalian, base sa survey ng Pulse Asia noong December 2019 ay hindi kuntento ang mga Pilipino sa programang K to 12.
Pagdating naman sa pagtaguyod ng kapakanan ng mga guro ay iginiit ni Gatchalian ang pagtaas ng sweldo nila kung saan kanyang ipinanukala na itaas sa mahigit ₱29,000 hanggang mahigit ₱32,000 ang sweldo ng Teacher I.
Isinulong din ni Gatchalian na patatagin ang Teacher Education Council sa pamamagitan ng mas maigting na ugnayan sa pagitan ng DepEd, Commission on Higher Education at Professional Regulation Commission.
Dagdag pa ni Gatchalian, kabilang din sa mga dapat iprayoridad ng DepEd ang mas maigting na pakikilahok ng mga lokal na pamahalaan pagdating sa edukasyon.