Imposible para kay Senator Richard Gordon na hindi alam ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kwestyunableng pagbitbit sa bansa ng mga Chinese Nationals ng halos 447 million dollars na may katumbas na 22.68-billion pesos.
Diin ni Gordon, bilang Pangulo ay siguradong nakakarating kay President Duterte ang lahat ng impormasyon katulad ng money laundering activities na ginagawa ng mga Chinese sa ating bansa.
Kumbinsido rin si Gordon na ang pagiging malapit at malambot ni Pangulong Duterte sa China ang dahilan kaya atubiling umaksyon ang mga otoridad sa mga iligal na aktibidad ng mga Chinese.
Tinukoy ni Gordon na kahit inire-report ng Bureau of Customs ang malaking halaga ng salaping bitbit ng mga Chinese ay walang magawang aksyon ang Department of Finance (DOF) at Anti-Money Laundering Council.
Binanggit pa ni Gordon na hindi rin matuldukan ng mga otoridad ang nagpapatuloy ng mga krimen at ilegal na aktibidad ng mga Chinese na konektado sa Philippine Offshore Gaming Operators o POGO.