Isang senador, may no-electricity challenge sa DOE

Hinamon ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri si Energy Secretary Alfonso Cusi at mga taga Department of Energy o DOE na samahan siya sa bahagi ng Mindanao na hanggang ngayon ay walang kuryente.

Challenge ni Zubiri, isang linggo na mag-immersion o mamuhay ang mga ito ng walang kuryente at walang refrigerator na tabihan ng pagkain para malaman nila kung gaano kahirap.

Pinuna ni Zubiri ang mabagal na usad ng electrification program na isa sa mga dahilan ng pagkadismaya ng mga taga Mindanao sa gobyerno kaya may mga nahihikayat na sumama sa rebeldeng grupo.


Sa budget hearing ng Senado ay inihayag ng DOE na 78.2 percent na ng Mindanao ang may kuryente, 94.1 percent naman ang electrification sa Visayas habang 100% nang may kuryente sa Luzon.

Tiniyak ni Secretary Cusi na sinisikap nilang mapakabitan lahat ng kuryente lalo’t may sapat namang suplay ng kuryente pero may problema aniya sa distribution ng kuryente na dapat ay pinadadaloy ng mga electric cooperatives at franchises.

Facebook Comments