Naglatag ng mga rekomendasyon si Senate Committee on Economic Affairs Chairman Senator Imee Marcos sa papasok na administrasyon ng kanyang kapatid na si President-elect Ferdinand Bongbong Marcos Jr., para matugunan ang patuloy na pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo.
Sabi ni Marcos, mainam na tingnan kung ano pa ang natitira sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) at Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na maaring pang-sabsidiya sa mga sektor na naghihikahos tulad ng transportasyon at agrikultura lalo na ang fisheries sector.
kasama din sa suhestyon ni Senator Imee na makipag-usap ang gobyerno ng Pilipinas sa mga karatig bansa sa Asya para makabili ng mas murang petrolyo.
Pinayuhan naman ni Marcos ang lahat na magtipid sa konsumo ng langis at kuryente sa pamamagitan ng pagpatay sa makina ng sasakyan kung hindi naman tumatakbo at pagpapatupad ng hybrid work set up sa mga opisina.
Giit pa ni Marcos, pag-aralan din ang pagtaas sa bioethanol component ng mga petrolyo katulad ng ginagawa sa Amerika.
Ayon kay Marcos, dapat tanggalin din muna sa 2023 national budget ang mga hindi mahalagang gastusin tulad ng pondo para sa travel expenses, training, pagbili ng mga bagong sasakyan at pagpapaganda ng mga opisina.
Diin ni Marcos, mahalaga na mapagtuunan ng pansin ang paglikha ng trabaho, pagpapasigla ng ating ekonomiya at pagpapababa sa presyo ng mga bilihin.