Magpapatawag ng pagdinig si Senate Committee on Public Services Chairman Raffy Tulfo patungkol sa pamemeke ng protocol plates na iniisyu sa mga pinakamatataas na opisyal ng gobyerno.
Kaugnay pa rin ito sa nag-viral na video hinggil sa isang puting SUV na may pekeng protocol plate number 7 na dumaan sa EDSA bus lane kung saan ang mga sakay nito na pasahero ay nambastos sa isang lady enforcer at tinakasan pa ang mga awtoridad.
Ayon kay Tulfo, oras na matukoy kung sino ang may-ari ng sasakyan at gumamit ng pekeng protocol plate ay pasisimulan niya ang imbestigasyon.
Layon ng pagsisiyasat na hindi na maulit ang kahalintulad na problema na kahit sino na lang ay pwedeng mameke at makagamit ng nasabing mga plaka.
Ipinauubaya naman ni Tulfo sa Land Transporation Office (LTO) ang pagiimbestiga sa pagdetermina kung peke o hindi ang plaka at kung sino ang sakay ng putting SUV na gumamit nito.