Isang senador, pinatitiyak sa mga kaukulang ahensya ng gobyerno ang mas maayos na sistema ng face-to-face classes sa mga susunod na araw

Kinalampag ni Senator Grace Poe ang mga ahensya ng gobyerno na gawing mas maayos na ang sitwasyon ng face-to-face classes sa mga susunod na araw.

Sa unang araw kasi ng pagbabalik eskwela ng mga mag-aaral ay sinalubong agad ang mga ito ng samu’t saring problema tulad ng kakulangan sa silid-aralan at mga kagamitan sa mga paaralan.

Giit ni Poe, dapat ay nakapaghanda na ang lahat bago pa man pinabalik sa mga eskwelahan ang mga estudyante.


Aniya, noong nagdesisyon na magbalik na sa paaralan ang mga mag-aaral kahit mayroon pa ring pandemya ay dapat tiniyak na ‘all systems go’ ang lahat, mayroong sapat na public utility vehicles (PUVs), may nagmamando sa trapiko at mahigpit na naoobserbahan ang health protocols.

Punto pa ni Poe, inaasahan na sa ‘face-to-face classes’ ay mayroong sapat na pasilidad ang bawat klasrum at hindi dapat sa sahig nakaupo ang mga mag-aaral.

Nararapat lamang aniya na ibigay sa mga estudyante ang ligtas at komportableng pag-aaral ngayong matapang silang bumabalik sa mga paaralan sa gitna ng banta ng pandemya.

Facebook Comments