Isang senador, tiwalang magsisimula na ang pagbangon ng residente ng Marawi

Sa wakas ay magsisimula na ang pagbangon ng mga residente ng Marawi City dahil maitatayo na nilang muli ang mga nawasak na tahanan at maisasaayos ang kanilang buhay na nagulo dahil sa karahasan.

Inihayag ito ni Senator Sonny Angara, kasunod ng pagsasabatas sa Marawi Siege Victims Compensation Act makalipas ang apat na taon nang kubkubin ng Maute terrorist group ang lungsod ng Marawi.

Ayon kay Angara, marami na ang nagawa sa nakaraang taon sa ilalim ng Marawi Recovery, Rehabilitation and Reconstruction Program o MRRRP.


Paliwanag ni Angara, hindi makukumpleto ang proseso ng pagbangon ng Marawi kung hindi maibabalik sa normal ang buhay ng lahat ng naapektuhang residente.

Diin ni Angara, mas maagang tatayo ang Marawi City kung bibigyan ng kakayahan at kapangyarihan ang mga taga Marawi, kasama na rito ang pagbigay ng bayad-pinsala sa kanila.

Sa ilalim ng batas ay pagkakalooban ng tax-free monetary compensation ang may-ari ng residential, cultural at commercial structures na saklaw ng tinatawag na Marawi’s Most Affected Areas at Other Affected Areas.

Tinukoy ni Angara na sa ilalim ng batas ay bibigyan din ng kompensasyon ang may-ari ng mga private properties na giniba at naapektuhan ng implementation MRRRP.

Facebook Comments